Powered By Blogger

Biyernes, Hulyo 26, 2013

Ang Malaki kong Pagkakamali

Hanggang saan ang kaya mong gawin para maibalik ang taong nagmahal sa ‘yo nang higit pa sa sarili niya? Yan ang tanong ko sa inyo, at sa sarili ko rin. Ako si M at ito ang aking kuwento. Ako ay may isang mahal. Siya ung tipong mas mahal ko pa sa sarili ko, sa anomang nilikha dito sa mundong ito. Minahal ko siya di dahil maganda o mayaman siya, kundi dahil mahal ko siya. Period. Bata pa lang kami magkakilala na kami. Tapos ay mga ilang taon din kaming di nagkita at nagkakausap gawa ng hindi na siya nag-aaral sa aming eskuwelahan. Pero mga ilang taon lang ang nakalilipas, nagkita ulit kami at naging matalik na magkaibigan kami. Pag magkasama, sabog. Yung tipong aakalain mong wala kaming problema sa buhay, yung tipong utak-pasyente-ng-isang-mental- hospital. Ganun kami. At napakagaan ng turingan namin sa isa’t isa. Para kaming magkapatid. At yun yung dahilan kung bakit ako nahulog sa kanya. Magkausap sa cellphone halos gabi-gabi, at sa Facebook na inaabot ng alas-dos. May tawagan, kahit wala namang relasyon. Abot langit ang pakiramdam ko, “eto na talaga ito, eto na!”. Pero di araw-araw Pasko. Dumating yung panahon na sinabi niya sa aking “aral muna”. Totoo yung sinabi niya at wala akong magagawa doon. Kaya pinangako ko sa kaniya na “maghihintay ako kahit kailan pa abutin.” Seryoso ako. Dahil pag sinabi ko gagawin ko. Pero hindi siya ang bida ng kuwento. Halos mag-iisang taon ang lumipas nang may biglang kumatok sa aking puso, isang taong hindi ko malilimutan dahil siya ay isasa mga naging crush ko, nung girlfriend pa siya nung kaibigan ko. Hindi ko mawari kung paano kami naging malapit sa isa’t isa, siguro sa kadahilanang nagkaroon ako ng pagtingin sa kaniya. Di kalaunan ay lalo pa kaming naging malapit at doon na nga nagsimula (at di maiiwasan) na bumalik ang dati kong nararamdaman sa kaniya na lalo pang pina-alab ng aming samahan. Di natapos ang isang taon at naging kami na. Siya yung taong minahal ako nang higit pa sa sarili niya. Kahit sinabi ko noon dati na may gusto ako dun isa. Aaminin ko, kahit nung kami na ay nandun pa rin sa isa nakatuon ang aking pag-iisip. Nanghihinayang sa kadahilanang hindi ko man lang nakita ang aming “future”. Pero huwag kayong magkamali sa pag-iisip na di ko minahal ang bida sa aking kuwento. Mahal ko siya. Yun nga lang, mas mahal ko yung isa. Isang taon nagtagal ang aming relasyon pero dumating sa punto na inisip ko kung malaman niya na mas mahal ko yung isa e baka iiwan niya na ako at masaktan nang todo-todo. Kaya nag-isip ako(at inaaamin ko na itong ang pinakamalaking pagkakamali ko), habang maaga pa, na gumawa ng ibang paraan para maghiwalay kami. Away dito, away doon. Ayoko talaga siyang masaktan nang sobra kaya mas pinili ko yung kapakanan niya, kaya ko itinago to sa kaniya. Ayun na nga, naghiwalay na kami. Diyos lang ang makakapagsabi kung anong sakit ang naidulot nito sa akin, na hanggang ngayo’y dala-dala ko pa rin. Naging malamig ang pagtrato namin sa isa’t isa. Mga apat na buwan ang nakalipas, nagka- boyfriend na ulit siya. At ako? Nakanganga. Naghihintay sa sulok. Umaasa na mamahalin ako nang lubusan ng isang tao na pinagpalit ko para sa taong minahal ako nang lubos-lubusan. Dito ko na nakita yung kamalian ko. Ipinagpalit ko yung pagmamahal na ibinigay sa akin na para ba akong hari dun sa isang taong hindi ko naman sigurado kung ano ba ang kalalabasan ng aming istorya. Isang taon na ang nakalipas simula ng aming paghihiwalay at nandito pa rin ako. Sising-sisi sa desisyong ginawa ko. Gusto kong itama ang lahat para sa isang taong binigay ang kahulugan ng pagmamahal. Sinusubukan ko siyang kausapin hanggang ngayon, pero ayaw na niyang makipag-usap. Aamin ko sa inyo na dadalhin ko ito sa aking libingan kung hindi kami magkakaayos. Ngayon ko nawawari na napakalaki ng pagkakamaling aking nagawa. At natutunan ko rin na huwag sayangin yung pagkakataon na may nagmamahal sa iyo nang totoo. Mas piliin mo iyon kaysa dun sa mahal mo. Kung mahal ka din ng mahal mo, ayos yan. Pero alalahanin mo na hindi mapapantayan ang isang pagmamahal ng taong mas mahal ka pa sa sarili niya. Sana dumating iyong panahon na magkaayos ulit kami. Dahil handa akong gawin ang lahat para maibalik siya sa akin..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento